PHOTO-PO-YAN. Iyan ang pangalan ng aming maliit ngunit masigla na grupo ng mga maniniyot. In English,
THAT-IS-PHOTO-po. Sobrang magalang. Pangalan namin ay mula sa salitang ugat na photo. Iba iniisip mo ano? . Kung papahabain, ang ibig sabihin niyan ay
Pinoy Photog’s Tambayan Sa Japan. Huwag mo nang pag-aralan kung medyo hindi tugma ang mga letra, mauubusan ka lang ng hibla sa dibdib.
Paano ba nagsimula ang grupong ito? Isisisi natin sa larong badminton. At kung hindi niyo nakikita ang kaugnayan ng sanhi at bunga, pareho tayo. Tuwing may laro, halos lahat ay may bitbit na kamera akala mo’y raketa. Walang pakundangan ang tira dito, tira doon, di smash ang tinutukoy ko dito. Kahit pagod, magpupuyat pa at sabay sabay mag upload sa facebook. At dahil sa ipininamalas na kaadikan, nabuo ang grupong magliligtas sa sambayanan. Parang Power Rangers lang. Pero walang sinabi yan sa Photo-Po-Yers, tawag sa amin. Puwedeng kapopoy, parang tagasubaybay lang ng isang local TV channel.
Kadalasan, ang mga OFW ay nalulungkot at walang makausap, kaya minabuti ng grupo ang mga maglakad-lakad at magmunimuni habang bitbit ang mga kamera sa lahat ng sulok ng Japan. Mabuti na ito kesa sa mag drugs drugs. Mag-lilimang buwan pa lang ang grupo, pero sa dami ng kasunduan, lakaran, asaran, Canon vs Nikon vs iphone na asaran, parang anim na buwan na. Madami na ding kaming PHOTO KAD – mga tatlo, Mt. Takao, Yoyogi, Kamakura / Minatomirai. Di baleng malamigan, mainitan, mabosohan, makaboso basta huwag lang maalikabukan ang mga kamera.
Masaya ang grupo. Walang halong biro. Huwag lang malipasan ng gutom. Lahat tinatanggap. Cash man or credit card.
Ikaw ba ay mahilig tumira at balak maging isang ganap na photopoyer? Or popoyer? or kapopoy? Huwag ng patumpik tumpik pa at sumali na aming tambayan. Ipakita na ang iyong interes at pindutin ang
“Join Group” sa aming facebook page. Wag mag alala, walang nangangagat diyan. Importante dala mo lang ang kasiyahan at kaadikan ng isang maniniyot. Madaming kang matutunan sa Photo-Po-Yan, madami din kaming matutunan sa iyo. Give and take lang, parang pautang. Bawat araw, di maikakaila na may matutunan ka. Kahit paulit ulit na.
Balak ko sanang tapusin ang hiblang ito sa, hanggang sa muling pagpopopoy. Pero hindi pupuwede, mahalay ang dating. Salamat pala kay tripod sa mga larawan sa itaas.
Hanggang sa muling pagjajacklord.
totomai
2013/03/20