Wednesday, July 29, 2009

Bilad

Naalala ko lang, na tuwing bakasyon, pumupunta kaming magpipinsan sa Iloilo sa bahay ni Lola. Dahil sa medyo malaki ito, at kasya kaming kupkuping lahat. Sa gabi, dahil sa kalumuan nito, para na din siyang haunted house. Pero doon kami namamalagi kasi sa tawid ng kalsada ay dagat na. Buong araw kaming naliligo hanggang isang beses di na kami pinakain ng tanghalian ng aming lola kasi wala naman daw kaming balak umahon. At syempre ang blog na ito ay hindi tungkol sa bakasyon namin kay lola. Panimula lang to.

Umpisa na ng tag-init dito sa Japan. At para salabungin ang pagdating niya, nagplano ang mga adik na pumunta sa paraiso ng Izu isang Sabado ng Hulyo. At dahil sa takot na baka mawala ang sinasabing paraiso, Biyernes pa lang ng gabi pumunta na kami sa bahay ng isa naming kaibigan, si Potpot. Hatinggabi na yata kami nagkita-kita, daig pa namin ang aswang assembly, ang kaibahan lang, di kami lumipad kungdi naglakad kami mula istayon hanggang bahay niya na parang mga kargador sa pier. Walking distance, parang Manila papuntang Bulacan lang. Pagdating namin ng bahay, akala namin nasa loob kami ng ref. Ang lamig kung kaya natulog kami agad ni Kid at yung iba, sina Rance, Kraven at Potpot ay nag-inuman pa, mga sunog-baga.

Alas 5 na nang kaming lahat ay nagising, nagmamadaling maligo para mahabol ang unang tren papuntang kung saan man yun. At kapag sinsuwerte ka naman, unang biyahe, di ka makapasok sa dami ng estudyanteng sumakay. Nakatayo na naman kami, habang bitbit ang mga bagahe. Kargador pa rin kami sa mga oras na yun. Sarap ng pwesto nina Meema, Ramil at M. Galing kasi sila sa kabilang ibayo. Lumipat kami ng tren para makitagpo kay Aleng na galing ng ibang bundok. Sa loob ng tren ipinamahagi ni Potpot ang kanyang kinamay na onigiri. Sobrang sarap lalo na pag walang laman ang tiyan mo. Paano niya ginawa? Tingnan niyo to.

Fast-forward na baka masabihan na naman akong nobela tong blog na to. (TOO LATE daw sabi ni Meema) Sa wakas, nakarating na kami sa istasyon. Sumakay kami ng bus at bumaba nang marinig ko na naman ang walking distance na yan. Kinabahan na ako. At tama nga ang sabi ng crystal ball. Parang Bulacan papuntang Olongapo naman. Lakad lang nang lakad hanggang sa nakikita na namin ang dagat. Buti na lang paakyat na kami nung dumating ang kasama naming nakakotse, sina Katek, Chai, Winnie, Poleng at Chu. Para di nila alam ang hirap na dinanas namin. Pumuwesto na kami agad sa buhangin at natulog. Yun naman talaga ang sadya namin, ang matulog. Syemprrre nagsilabasan na agad ang special offer; sandwich, fried chicken at kung anu-ano pa. At ang mga adik na maniniyot, walang humpay sa pagkuha ng mga litrato at pag-delete.

Matagal na kaming tinatawag ng dagat bago pa namin siya pinagbigyan. Para naman may metaphor din dito. Makulimlim ang panahon at ang tubig dagat ay parang galing sa freezer. Biglang umurong ang mga hindi dapat umurong. Kasi wala naman iuurong pa. Kakaaliw tignan ang mga hapon na nag-susurf at nagtiyatiyaga sa mgaalon na maliliit at pasulpot sulpot. Mga ilang oras din kami sa tubig hanggang sa ginutom na. Inubos ang lahat na andun at natulog ulit. Natrapik sina Ate Mai at nag-aalala siya kung nakakain na ba kami. Ang swit. Habang hinihintay sina Ate, abala naman si Meema sa pagpaliwanag kung ano ang gagawin para sa photowalk event. At nang umpisahan na ang lakad ng mga maniniyot na to, dumating sina Ate Mai. Salamat at magkakaroon kami ng lakas sa pagkuhakuha ng mga larawan.

Dalawang oras din na walang humpay na kuhaan ng litrato para lang makasumi teng dalawa na kailangan ni Meema. Kung sino mananalo diyan, pa-matsuya naman kayo. (May nanalo na ba?) Pero mukhang sa jumpshot naubos ang mga lakas namin. Ilang beses inulit-ulit yun. Gabi na at walang bituin nung sinundo na kami ni Tatang. Dugo ang ilong kapag kausap si tatang, di man lang makapag-english. Dinaan muna kami sa isang mall para bumili ng pagkain at inumin.

Dumating kami sa bahay ni Tatang. Aba, maniniyot din pala siya. Ang ganda ng mga kuha, nakasabit lang sa dingding ang mga kuha niya at isa-isa kaming namangha. Naisip ko tuloy na buksan ko na kaya at ilabas mula sa kahon ang aking printer? Kunwari ipriprint ko din ang mga pics ko. Pero naisip ko rin na ibenta ko na lang kaya ang printer.Hehe.

Paglapag ng mga gamit at katawan sa tatami, isa-isa nang binuksan ang mga pagkain. Sama- sama kaming lahat kumain, akala mo ay last supper na. Napaaga ang Semana Santa. Masaya, kulitan pa din. Yung iba naligo na, yung iba naglaro ng uno, yung iba nakipagwentuhan at yung iba naman ay naningil ng ambagan. At dahil sa may katapusan naman ang bawat araw, pinatay na ang mga ilaw at nangibabaw ang mga hilik na parang lumulubog na Titanic.

Malamang yung mga napanaginipan namin ay ang mga nangyari din nung araw na yun. Gusto niyong mapanood? Ayan, pindutin nyo lang.





Hanggang sa muling pagjajacklord.


07/29/09

PS

Salamat kay Meema sa pag-edit ng tagalog ko :-)

Thursday, July 23, 2009

Kubeta

19

Lahat tayo ay may anking superpowers. Oo, lahat tayo, ibig sabihin kasama na ikaw at ako. Pasulpot-sulpot ‘tong mala-Flash at mala-Superman nating katangian. Minsa’y mala-Werewolf at mala-Invisible Man pa. Wala tayong kalaban-laban pag tinatawag na tayo ng ating pinuno --- ang pinunong kubeta.

Madaling masira ang tiyan ko kaya maingat ako sa pagkaing kinakain ko. Nung nag-aaral pa lang ako, umaabot ng dalawang pahina ang aking health record card sa eskuwelahan kada taon at laging stomach ache ang sanhi. At di pa nagtapos dun. Bawat taon ay naoospital ako dahil sa matinding pagdudumi. Minsan, sa takot at sawa na sa ospital, sinasarili ko na lang ang nararamdaman ko hanggang sa hinimatay ako ng isang beses sa sobrang pagbabawas.

Madaming beses na akong nag-ala Superman lalo na sa mga biglaang pagkaramdam ng sakit ng tiyan. Naalala ko pa nung nagbabayad ako ng bill ng telepono. Mga 30 minutos na pila ko nung biglang sumakit ang tiyan ko. Ang laki ng pawis. Lumabas ako ng PLDT, nagpara ng taxi at nagdasal sa abutin pa ng bahay. Biglang bukas ang apat na pinto halos sabay sabay sa pagmamadali kong makareport sa pinuno. Kakaibang ginhawa kaagad.

Sa Pinas, suki ako ng Shangrila Edsa. Sa layo ba naman ng Antipolo at matrapik pa, minsan sa labas na ako kumakain. Sa halagang 10 pesos, meron ng tissue at malinis pa ang banyo. Sigurado ka pang ma flush ang kubeta pagkatapos gamitin. Hirap sa Pinas maalangan. Alam niyo na siguro ang ibig kong sabihin. Kaya nagulat din ako nung tumigil ako ng isang taon sa Thailand , kadalasan ng kanilang kubeta ay may water spray at kung wala man ,may tissue. Pero iba pa din ang kubeta ng Japan . Pati na din sa Korea.

Sabi nga ni Roger Federer (di ko na matandaan kung san ko nabasa), para daw siyang nasa spaceship pag nakaupo sa kubeta ng Japan . Sa dami ba naman ng pipindutin kulang na lang ang salitang Ready for Take Off at ikaw ay nasa kalawakan na. Pero syempre dapat alam mo din ang mga pinipindot mo, kung di mo mabasa ang Nihonggo, at lala na kung walang larawan, pakiramdamanan na lang. Ayos din minsan yung may blower na nakasama, hinihipan na ang puwet mo pagkatapos. Baka sa sunod may polbo na rin.

Pero di naman lahat ng kubeta dito ay malinis na malinis. Alam ko yun kasi sa haba ng biyahe ko araw araw, may mga pagkakataong kailangan kung magreport kay pinuno. Kaya alam ko na ang mga maganda at medyo ok na kubeta kada istasyon. Pero kahit medyo madumi sigurado pa ring may tissue paper sa loob. At kadalasan, lalo na sa umaga, box-office hit lagi ang pila. Nakikipila din ako paminsan-minsan. Pero mabibilis lang gumamit ang mga hapon, wala pang 2 minuto tapos na. Ito lang yata ang nakuha kong ugali sa kanila. Haha! Pero kahit saan ka mang bansa, isa lang ang natutunan ko sa paggamit ng kubetang pampubliko.

Huwag buksan ang kubetang nakatakip, baka may laman kang masisilip

Hanggang sa muling pagjajacklord.

07/24/09

Tuesday, July 14, 2009

Tulog

Toto-log ka na naman. Yan ang madalas ihirit ng aking inay at mga kaibigan. Huwag daw akong tulog ng tulog at baka di na ako magising. Aba’y walang pakialamanan.

Nung nag-aaral pa ako, sigaw ni Mama ang aking alarm clock. Walang binatbat ang mga alarm clock sa kanya. Pero dahil alam niya naman na puyat ako sa pag-aaral kunwari, may halong lambing ang kanyang pagsigaw sabay tanong kung ano ang gusto kong almusal. At siyempre dahil sa likas na tamad na talaga ako simula ng pinanganak, breakfast-in-bed lagi yun. Isang tinapay lang naman. Kung hindi Spanish roll, pan de coco ang madalas kung ialmusal. Dahil sa kasarapan ng tulog, akala ko minsan na nakakain ko ang tinapay, nalalaman ko na lang na hindi pala kapag nilalanggam na ang ilalim ng kama. Kayang-kaya ko pagpalit ang kain sa tulog kaya’t kasing payat ko si Rene Requestas habang nag-aaral. Narasanan ko na ding batuhin ng chalk ng aking guro kasi natutulog ako sa klase niya.

dreams

Nung lumuwas ako ng Manila para kumuha ng board exams at maghanap ng trabaho, bumili na ako ng sariling alarm clock (wala pa akong cellphone nun). Alam kung walang gigising sa akin kahit kasama ko pa ang mga kaklase ko. Di naman kaila sa atin na sikat ang Manila kung walang tubig ang pag-usapan. Isang beses, binuksan namin ang gripo sa banyo para kung sakaling magkaroon ng tubig para may reserba na kami kung sakaling mawalan na naman kami ng tubig. Kadalasan sa sala kami natutulog kasi mas malamig kahit na parang nasa evacuation center kami. Akala ko ay nanaginip lang ako na lumalangoy ng madinig ko ang tawanan ng aking mga kasamahan. Umapaw na pala ang tubig mula sa banyo at umabot sa sala. Bigla kaming nag general cleaning at kahit wala pa sa ulirat nagmamadaling ayusin ang unit namin.

Mas tumindi ang katawakan ko sa pagtulog ng nagtrabaho na ako sa Japan. Nakakatulog na ako kahit nakatayo sa tren. Di ko alam kung sadyang kulang ako sa tulog o dahil sa bumabata lang ako. Kumakailan lang ay di ko na nararamdaman ang salitang sigaw ng tatlo kung alarm clock kung kaya’t naisipan kong bumili ng panibagong alarm clock. Malaki, nakakabingi at may parang disco lights pa. Isip isip ko semento na lang ang di makakadinig dito. Aba, nasobrahan yata sa pagiging epektibo, nauuna pa akong gumising bago siya tumunog. Marahil dala ito sa hiya, hiya na madinig ng kapitbahay ang nakakaistorbong tunog at bigla akong ireklamo sa opisina namin. Mahirap ng madagdagan pa ng isang memo.

Ganunpaman, masarap pa din matulog. Pero sana nama’y huwag ang tulog na walang katapusan.

O siya, sayang ang oras, toto-log na ako uli.

Hanggang sa muling pagjajacklord.

07/14/09

Thursday, July 2, 2009

Lasing

Hindi naman talaga ako lasenggero e. Umiinom lang paminsan-minsan. Minsan nalalasing, minsan nama'y lalong nalalasing. Pero ngayon mukhang mabilis akong tamaan ng alak. Gaya nung Biyernes, nagyaya ang amo namin ng inuman, sino ba naman ako para tumanggi lalo na’t libre? Walang pakundangan na inom ang gawa ko, aba mga dalawang buwan din ako di nakainom. Gulat ang iba kong mga kasama, bakit daw ako nagpapakalasing. Sabi ko di naman, libre lang kasi. Sayang at dalawang oras lang nila pina-reserba ang lugar kaya napilitan kaming umuwi. Sakit sa ulo nung pagkagising, mas lalong sumakit nung buksan ko ang ref at ang laman lang ay nag-iisang mineral water.

Sa maniwala’t kayo o hindi, dito lang ako sa Japan uminom ng labis. Sa Pinas (lalo na pag nasa Bacolod ako), hanggang Coke lang ako. Naks, parang anghel. Anghel ng Demonyo. Nung una kong punta sa Japan nung 2003, ako lang ang Proces Engineer na nasa Japan. At dahil bago din ako sa kompanya namin, wala pa akong masyadong kilala. Sa isang bahay, apat kami at sila'y magkaka-department. At dahil sa yung apartment namin ang pinakamalaki, siyempre doon ang inuman. Wala pa akong isang linggo, at ayun may party na agad. Kaya di ko makakalimutan ang VO na yan. Anim kami noon, at dalawang VO ang tinira namin. Nung una pangiti ngiti lang daw ako tapos sa kalaunan, tumatawag na daw ako ng uwak. Nasa kuwarto na ako nun, at dahil medyo sana’y na ang iba sa inuman, yung isa kong kasama inalayan ako. Kumuha siya ng supot para doon daw ako sumuka. Kinaumagahan, kantiyaw ang inabot ko. Nakapuno daw ako ng supot. Dalawang supot at ang laki ng babayaran ko daw sa kanya, puno daw ng talsik ng suka ang braso niya.

Dahil sa kalasingan, nasubukan ko na ding matulog sa daan dito sa Japan. Walang binatbat ang aircon. Di naman ako matutulog sana dun e. Sinamahan ko lang yung kasama ko na parang hiblang naputol at natumba at di ko na maibangon. Buti na lang at walang pulis na dumaan. Salamat at di uso dito ang namamantala ng mga lasing. Kung nagkataon, dyaryo na ang nakatakip sa amin. Sarap pala gumising mula sa semento, akala mo pangalawang buhay mo na. Pag dilat ng mata, may mga nag bibisekleta na at nag-o-ohayou gozaimasu pa ang iba. Wala nga lang pandesal at taho.

Pero mas lalong naging adik ako uminom sa Thailand. Mura kasi ang beer at mas makulit ang mga kasama kong pinoy. Anim lang kasi sa kompanya at nasa iisang hotel lang kami nakatira. Tuwing Biyernes, pagkatapos ng opisina, nasanay na kami uminom habang naglalaro ng bowling. Tuwang tuwa naman yung mga tao dun pag andun kami, kasi kami lang ang maingay at siyempre di nila kami maintindihan. At hindi rin namin sila naiintidihan. Sabi nga nila, walang pakialamanan.

At ang isa kong loko-lokong kaibigan, nakunan pala ako ng video habang naglalaro. Pero okay lang, strike naman kahit papano. Kinopya ko lang to sa kanya, na post niya na sa youtube bago ako sinabihan. Sarap malasing at magjacklord sa sahig gaya nung nasa bidyo sa ibaba.



Uploaded by aidash87

Tapos after bowling, derecho kami sa hotel, babad ng konti dun sa pool, pantanggal ng amats. Pagkatapos, papatuyo lang sa hangin at punta na sa cafeteria ng hotel para sa ikalawang yugto ng inuman. Meron kasi dun karaoke e, kami na ang pinapagamit lalo na pag walang customer. Minsan, bumibili na kami ng beer sa labas kasi mahal sa loob e, kaya order lang namin ay yelo. Libre na kanta at sayaw, yung lang naman ang importante e.

Kelan kaya ako makakasayaw nito uli. Kuha ng isa ding adik ko na kaibigan. Yung steps na yan ay kuha ko sa napuntahan namin sa Bangkok. Alam nyo na siguro kung ano yun.



Uploaded by davebone


Masarap uminom. Lalo na paglibre. Pero dapat alam mo lang pano kontrolin ang sarili mo at mag-ingat na sa mga kasamang may dalang camera. At syempre mag-ingat pag-uwi kung di ka sa bahay niyo uminom. Baka maya-maya pala, isa ka ng alamat!

Hanggang sa muling pag-jajacklord!

07/02/09