Aba, mag-iisang taon na pala halos na hindi ko nagagalaw ang Nalalabing Hibla. Dati sabi ko titigil lang ako sa pagsulat dito kung wala ng matirang hibla sa ulo ko. Huwag kayong mag-alala, di pa ako kalbo. Kaya eto ngayon, pilit na magsusulat para naman malaman niyo na di pa ako nagsusuot ng wig. Basa!
Naalala niyo pa ba ang unang beses na kayo ay nanood ng pelikula? Malamang yung iba sa inyo nakapanood na nung panahon pa lang ng giyera. Ibang-iba pa ang mga sinehan dati. Nasa labas ito ng mga mall, may mga larawan pa mula sa pelikula sa labas para sa “NOW SHOWING” at “NEXT PICTURE” at meron pang mga guhit na kung saan ang mga bida may parang may mga beke. Billboard ba ang tawag doon? Di ko alam sa tagalog e. Dati-rati kapag nanonood kami ng sine, meron kami dala-dalang baon na nakalagay sa supot. May chippy, stork, bazooka at kung ano-ano pa na makukuha sa aming maliit na tindahan, at siyempre kasama na yung flash light dun. Haha. Sa labas pa lang, maliban sa takilyera, unang bubulaga sa iyo ang “BALCONY” at “ORCHESTRA”. At sa pagpasok sa loob ng sinehan, ayun ang “EXIT” na babati sa iyo.
Di ako sigurado kung anong una ang napanood ko sa sinehan, Captain Barbel ni Edu Manzano o Once Upon a Time ni Dolphy. Tuwang-tuwa kami noon ng kapatid ko kung may posters na ibibigay sa amin. Sina mama naman galit na galit sa mga surot sa upuan. Labas na kasi ang foam ng mga upuan. Pero mas tahimik ang mga tao noon sa sinehan, wala pa kasing mga cell phone nun. Ngayon ang daming pang matitigas ang ulo, nawala nga ang beeper, pati naman usap sa cellphone at matindi yung mga nag-uusap tungkol sa susunod na mga eksena. Minsan, may humihilik pa. Madami-dami na din akong napanood na pelikula, yung iba sa sinehan yung iba sa dibidi dibidi. Kaya naisip ko mukhang magandang pagkakakitaan ang pelikula a, pero kung papano ay di ko alam.
Noong 2008, may nakilala akong scriptwriter (patay tayo nito kung mali ang term ko). Itago na lang natin sa pangalang M. Laking gulat ko ng nalaman ko na siya pala ang nagsulat ng isa sa paborito kong pelikulang tagalong, ang Magnifico. Tanong ako ng tanong, sagot naman siya ng sagot. Hanggang sa nahikayat niya akong sumubok sa industriya nila. Akala niyo artista ano? Akala ko nga din e. Pero hindi. Isang pagkakamaling tumama. Nung umuwi ako sa Pilipinas, pinakilala niya ako sa mga kasamahan niya at siyempre pipi na naman ako. Salita sila ng salita. Ako kain ng kain. Likas din akong mahiyain kahit makapal mukha ko. Makapal sa taba. At dumaan pa ang madaming buwan, sinama nila ako sa shooting. Tama nga ang hinala ko, di madali ang gumawa ng pelikula. Kaya lalo akong napabilib sa mga bumubuo ng produksiyon para lang makagawa ng pelikula. At siyempre, kumuha din ako ng litrato noon, sa kasamang palad nasama yun sa nasirang HD ko (may 7 yatang natira).
Malapit na malapit ng ipapalabas sa mga sinehan. Sa Pebrero o Marso, makilala niyo na sa Remington.
Buong Trailer
Agosto 31 na ipapalabas ang ZOMBADINGS 1 : Patayin sa Shokot si Remington
eto na talaga ang buong trailer pagkatapos ng mahigit na isang taon. May theme song pa.
Panoorin niyo yan para kumita, di ba di ba? Anong role ko? Eto gumawa ng blog. Ha ha!
Hanggang sa muling pagjajacklord
totomai
12/10/10