Sinong mag-aakala na ang unang bundok na mapapanhik ko ay ang pinakamataas pa sa bansang Hapon? Nag-umpisa ang lahat sa kantiyaw at biro na “Fuji tayo, Fuji tayo!” At ang mga loko-lokong kong kasamahan ay umoo naman agad. Di na nakuha sa biro. At para kunwaring mapagkamalang mountaineer talaga, bumili ako agad ng mga gamit pang-akyat ng bundok. Sa porma na lang idadaan para mapagkamalang fit to climb. Dumating na nga ang araw na hinihintay. Sa sobrang galak, mali pa ang bus na nasakyan. Iyan ang napapala ng hai lang ng hai sa mga tanong na hindi naiintidihan.
Masaya ang grupo bago umakyat. Kumain muna ng masarap na adobo at national fish para magkaroon ng lakas panlaban sa mahaba-habang lakaran. Sarap na sarap kami sa pagkain lalo na at naisip namin na marahil ito na ang huling tanghalian namin. Umaapaw ang enerhiya ng bawat isa sa simula. Walang humpay ang pagpapakuha ng litrato basta may makitang puno o damo. Parang day-off lang sa Luneta.
Tumitigil lang kami kung saan merong kubeta. Tandang-tanda pa namin ang patalastas na “sa bukid walang papel”. Mahirap na. Ihiang de-metro.
Habang pataas ng pataas ang inaakyat, lumalabas na ang aming mga dila at pangil. Pahirap pala to sa isip isip ko, at ang layo pa ng Semana Santa. Ewan ko sa iba, di ko naman nahuhulaan ang nasa utak nila. Baka porn, kaya sila hinihingal na, tunog pagod na aso. Parang walang bukas kung higupin ang oxygen. Sa sunod tanke na ang gawing backpack ng di maubusan. Ako daw ang pinakamabagal, kaya di ako kinapos ng hangin. Naks. Ikaw na ang overweight. Magdala ba naman ng DSLR, puwede namang iphone. Sabi ko nga sa kanila, umakyat ako bilang maniniyot. Hindi bilang ermitanyo. Meron din pala silang mga DSLR, pero mabilis pa din ang lakad nila. Kaya di uubra ang palusot ko.
At dahil nga sa lakad naming slow motion na animo’y nasa buwan, inabutan na kami ng dilim. Ayos at magiging horror na ang susunod na kabanata. Unti-unti na ding lumalamig at natutuyo na ang mga pawis sa kili-kili at singit. Siyempre kailangan na ding mag-change costume. Medyo makapal na ang mga suot, parang mga panda bear lang. Nasa ika-3,250 metro na kami ng magpasyang maghiwa-hiwalay. Yung mayayaman, nagpaiwan at matutulog sa kubo, yung mga walang pera, itinuloy ang pagpanhik. Pero bago yun, kumain muna kami. Yung mayayaman uli, nasa loob kumain, yung mga mahihirap, hindi pinapasok at nagtiyaga sa cup noodles sa ilalim ng buwan at mga tala.
Lumalalim na ang gabi, tuloy pa din ang aming pag-akyat. Halu-halo na ang nararamdaman, pagod, antok, uhaw, kaya patigil tigil din kami. May mga ilang beses din na naramdaman namin ang buhay haciendero. Panandaliang may-ari ng lupaing aming natatanaw. Walang katao-tao, mga multo lang at tumawo. Tuloy pa din ang lakad sa batuhing daan. Tumigil lang ng ako’y nadapa. Medyo masakit at alam kung matutumba ako, kaso sayang ang camera kaya tuhod ko na ang isinakripisyo ko. Tanga't kalahati. Ayos lang ako pero ramdam ko na may tumutulo sa loob ng pantalon. Tinupi ko ang aking pantalon at bumulaga sa amin ang nakaukit na puso ni Fuji-san.
Ilang minuto na lang bago mag-hatinggabi at magpalit ang aming anyo, naabot namin ang tuktok ng tagumpay. 3,776 metro. Kulang-kulang na dose oras din ang aming paglalakbay. Isang daan pisong pamasahe na lang at ma-hahandshake na namin si San Pedro. Humanap kami ng matutulugan pero wala kaming makita. Sarado ang lahat ng puwedeng masilungan para makaiwas sa lamig.. Walang suwerte. Pumuwesto kami sa labas ng pintuan ng isang kainan, humiga at natulog. Paano kaya nakatulog ang dalawa sa baba? Bandang alas dos ng madaling araw lahat kami nagising sa sobrang lamig. Sobrang lamig na kung titingnan mo kami’y parang kinukuryente. Lahat ng damit na nasa aming bag ay nasuot na namin. Pati bag sinuot na. Wala ding epekto ang group hug.. Unti-unti na naming nakikita ang mga nakaraan ng aming mga buhay. Nag-aalala na baka pag ipinikit namin ang mga mata, yun na pala ang huling silay sa mundo at magkakaroon ng bagong kuwento - ANG ALAMAT NG APAT NA PILIPINONG BATO..
Bago ko pa tuluyang nakita ang liwanag, may pag-asa akong natanaw. Di nagdalawang isip at pumuwesto sa kubeta. Masyadong mahimbing daw ang aking tulog ayon sa mga kasama ko. Ang hindi nila alam, hinimatay na ako. Hindi daw nila nakayanan ang amoy kaya pinili nila mag suicide sa labas. Nagising na lang ako sa tunog ng barya pambayad para magamit ng kubeta. Dinilat ko ang aking mata, mukhang di ako nakikita ng mga tao, kaya pinisil ko ang aking sarili. Buhay na buhay pa. Walang balita sa dalawang naiwan sa baba, sila'y pawang mga alaala na lamang. Hinanap ko agad ang aking mga kasamahan na animo'y mga estatwa at sabay namin sinalubong ang bukang liwayway.
Hanggang sa muling pagjajacklord.
totomai
2012/10/05
PS
Ang ibang larawan ay kuha nina Russell, Ming at Noemi