Tag-araw, tag-uhaw na naman sa Japan. Kaya ang mga OFW sa Chiba napilitang magtampisaw. Marahil ngayong summer na yata ang pinakaabala kong summer sa buong pamamalagi ko sa Japan. Walang humpay na mga plano para lang malasap ang init ni haring araw. Pati pag-ihi ay nakakalimutan basta kasiyahan ang pinag-uusapan. Mula sa kada linggong paglalaro ng badminton, hanggang sa pagkaroon ng stiff neck sa panonood ng hanabi, hanggang sa paglangoy kasama ang mga lumot sa dagat, walang hinihindian ang mga expat sa Chiba. Walang inuurungan kahit walang pera dahil sa credit card umaasa.
Isang linggo ng Agosto napagkasunduan ng grupo pumunta sa dagat ng Inagekaigan. Di gaanong kaganda kung ikukumpara sa mga dagat sa Pilipinas pero puwede na. Sobrang sikat ang dagat na ito kaya madaming pumupunta mapa-hapon o banyaga, sikat kasi nag-iisa lang ito sa Chiba. Umaga pa lang pumuwesto na kami sa tabing dagat. Sa sobrang aga, akala ng iba kami ay mga ronda o security guard ng beach. Tuwing umpukan ng mga Pinoy, hindi mawawala ang pagkain, Kanya-kanyang luto. Kanya-kanyang bitbit. Sa dami ng handa, akala mo’y may magbubukas na carinderia.
Maliban sa alon, nilunod din ng lahat ang sarili sa alak. Yung iba sa sugal. Yung iba sa pamboboso. Kanya-kanyang puwesto. Nagsasama-sama lang lahat kung oras na ng pagkain. Parang mga presong pumipili para kumuha ng rasyon. Pagkatapos nun, balik sa dating gawi. Siyempre, hindi din nawawala ang class picture taking. Minsan kailangang ulitin. Minsan may nagrerequest ng 2x2 ID. Minsan may ayaw pero sabay ngiti. Gaya ng larawan sa baba, malapit ng gumabi, kaya sunog na silang lahat. Ang popogi at gaganda nila dito, kahit ngipin ay hindi kita.
Marahil kung walang pasok kinabukasan, doon na kami nagpaumaga. Maghihintay ng bukang-liwayway gaya ng paghihintay namin ng panibagong kontrata.
Hanggang sa muling pagjajacklord.
/totomai
08/2/12
so sa kaninong grupo ka nabilang totomai? sa nagsugal o sa namboso? hihihi.. wait.. o ikaw ang binosohoan??
ReplyDeletesa sugal na namboboso lol
DeleteSa namboboso lols
ReplyDeletetama haha
Delete