Thursday, August 11, 2011

Layas

Malalagasan na naman ng isang hibla ang aming opisina. Mukhang mabilisang nauubos ang mga Pinoy dito. Siyempre, kaniya kaniyang dahilan at diskarte sa buhay iyan. Akala tuloy ng mga bossing namin dito na takot na takot na kami sa radiation at walang katapusang pag-uga sa bansang Hapon. Kayo na lang humula sa mga rason kung bakit umaalis ang iba dito, mahirap na may makabasang mga hapon at i-google translate. Isa pa, ka-facebook ko yung bossing ko.

Naranasan ko din siyempre ang mag-resign sa isang kompanya. Inuunahan ko lagi bago ako ang alisin nila. Mahirap na mawalan ng benepisyo. Iyan ang kadalasan kong gawin nung nasa Pilipinas pa ako. Ngayong OFW na ako, may mga pagkakataong na gusto ko pa manatiling magtrabaho para sa isang kompanya pero wala na akong nagagawa kasi di na ni-renew ang kontrata ko. Malamang di nila gusto ang pagtratrabaho ko o di kaya masyadong malaki sahod ko (pampalubag-loob lang yan). Bilang OFW, ang magiging pamilya mo ay ang mga kapwa Pilipino mo rin. Kasama mo sa kalokohan, lasingan at kung anu-ano pa. Kaya mahirap din ang pamamaalam. Akala niyo lang madali, pero hindi, hindi. Kaya dati, bawat pag alis ko, nagpapapirma ako ng tseke, este, damit para man lang maalala ko sila kunwari.

keepsakes

Mukhang napahaba na naman ang kuwento ko. Ang totoong rason kung bakit napasulat ako ay para kay Shengpot. Para sa iyo ang huling bahagi ng pahinang ito bilang pasasalamat sa mga hinahain mong almusal, tanghalian at hapunan lalo na kapag Sabado at Linggo. Isa kang bayani. Pwede ka ng gawan ng rebulto sa park ng Nirenokidai. Sana matupad na ang matagal mo ng pinapangarap, ang pagpasok sa kumbento.

Siyempre kahit nakita mo na to, play mo lang ulit. Nagpapakahirap ako magtagalog tapos ang background ng musika para sa iyong bidyo ay English.



Kita-kits uli sa Pilipinas at huwag kalimutan panoorin ang pelikulang dapat mong panoorin. Hayaan mo, malay mo, papasa kami lahat ng resume sa iyo. Kumikitang kabuhayan ka bigla.

Hanggang sa muling pagjajacklord.

totomai
08/11/11

Tuesday, April 26, 2011

Biyahe

Simula bukas (Abril 27), mayroon akong sariling bersiyon ng AMAZING RACE. Punta ako sa Korea bukas ng umaga (Miyerkules), balik sa Japan sa Biyernes ng gabi. Impake sa Sabado para sa biyahe papuntang Amerika sa Linggo. Ihi lang ang pahinga (may salo-salo pa sa Sabado, magluluto ako ng adobo).

Karamihan ng mga nasa Japan ay nagplaplano ng mga gagawin nila sa Golden Week samantalang ako naman ay naatasang magtrabaho sa ibang bansa. Di na din ako makareklamo kasi bayad naman. Sana nga lang di ko ipambabayad sa ospital ang mga kikitain ko pagkatapos ng biyaheng ito.

travel

Masarap na nakakatakot bumiyahe. Masarap kasi madami kang lugar na mapupuntahan at makikita. At kung may libreng oras, maliban sa pagtratrabaho, makakag-picture picture ka sa kung saan-saan at kung ano-ano. Kaso, medyo takot lang ako sumakay sa eroplano. Sabihin na natin na lagi akong bumabiyahe pero iba pa rin lagi ang aking nararamdaman tuwing nasa himpapawid na. Ayaw na ayaw kong madinig ang boses ng piloto na nagbibigay ng babala na may inaasahang "turbulence". Kaya madalas ako na hindi natutulog bago lumipad para nasa kahimbingan tuwing biyahe. Pero kadalasan, akala ko mahaba na tulog ko, yun pala di pa nakakaalis ang eroplano. Wala rin. Isa ding nakakatakot ay yung pagharap sa mga kliyente, kaya maliban sa mga sagot sa katanungan nila, nakahanda na ang aking mga ngiti kapag hindi ko alam ang isasagot.

Pangatlong beses ko na ko na to sa Korea ngayong taon. Abril pa lang at mukhang madadagdagan pa. Parang kambal ng Japan lang ang Korea at hindi masyado pagod sa biyahe kaya okay lang. Sa USA naman, pangalawang beses ko na to. Yung mahirap lang siguro ay yung palipat palipat ng state. Siyempre madami din kasing dalang gamit. Pero sabi nga nila, bahala na si Batman. Tatlong linggo ako sa USA at mukhang dudugo ilong ko nito sa pakikipag englishan sa mga makakasalamuha.

Sabi ng amo ko, baka raw umabot pa sa apat na linggo ang aking biyahe kung kinakailangan. Basta ba libre laba. Ayaw kong namang makita ko na lang na lumalakad ang aking mga briefs.

Iigsian ko na lang muna to, mag iimpake pa ako.

Hanggang sa muling pagjajacklord.

totomai
04/26/11

Tuesday, March 1, 2011

Inay

Marso na naman. Ibig sabihin, madagdagan na naman ang edad ng pinakapaborito naming nars. Isang nars na kailanman di kami iniiwan may sakit man o wala. Hanggang ngayon patuloy pa rin kanyang ang pag-aruga sa amin at laging inuuna ang kapakanan ng iba kesa sa sariling pangangailangan. Hindi kilalang tao ang tinutukoy ko, pero para sa amin, siya ang pinakadakilang nars na nakilala namin. Ngayong araw ay magpipitumpung apat na taon na siya. Bata pa ano? Hayaan niyo muna kaming batin siya ng Maligayang Kaarawan, Inay!

mama

Parang kelan lang nung kami ay karga-karga mo pa, ngayon ay mas malaki na kami sa iyo. Dapat lang na mas malaki na kami, mahigit ng tatlumpong taon ang nakalilipas nung kami ay di pa marunong magsuot ng salawal. Minsan nga, kargahin mo kami uli. Naalala ko din na ikaw lagi ang pumupunta sa mga meetings sa paralan kasi mahiyain si Papa.

Isa sa lagi nating pinagtatawanan ngayon tuwing nagsasama-sama tayo sa mesa ay yung lagi mong bilin sa akin na huwag siyado kumain ng baboy kapag nasa Japan ako, pero pag nasa Pinas ako, iba't-ibang putahe ng baboy ang ihinahain mo.
Ngayon kami muna ang magiging nars mo kasi medyo kailangan mong umiwas sa madaming pagkain na nakaka allergy sa iyo. Masarap kumain kaso huwag muna matigas ang ulo. Alam ko naman na masunurin ka kaya hindi na din ako masyadong mag-alala. Pero hayaan mo kaming mag-alala sa iyo. Kung tutuusin kulang pa to sa lahat ng mga nagawa mo sa amin.

Maligayang ika-74 na kaarawan Ma! Bata ka pa! Palangga ka namon!

totomai at dorb

Hanggang sa muling pagjajacklord

03/01/2011

Monday, February 14, 2011

Goma

Pebrero 14. Araw ng mga puson. Araw ng mga puso pala. Maliban sa rosas at tsokolate, isa sa mga pinakamabenta sa araw na ito ay ang goma. Gomang di bastang-basta nabibili sa suking tindahan. Kailangan mo pang pumunta sa botika para makabili nito. Buti na lang dito sa Japan, puwedeng makabili sa vending machine.

durex

Bago ako nagtapos ng kolehiyo, isa sa mga pag-aaral ko ay ang kung paano gumawa ng goma (condom sa English) mula sa katas ng langka. Napag-isip isip ko dati na kesa sa maging basura ang balat ng langka, puwede itong gawing alternatibo sa rubber trees bilang pangunahing materyal sa paggawa ng condom. Ayun sa aking pagsusuri, puwede naman, may instant flavor pa. Biro lang, at dahil technical study lang to, walang produktong nagawa. Pero kung meron diyan na maraming pera at sponsoran ako para subukan ito, sabihin niyo lang at hahanapin ko ang kopya ng study ko. Malamang nasa basurahan na ito. Typewritten lang yata ang report ko noon.

Maliit pa lang ako ay mulat na ako sa mga contraceptives. Isang nars kasi ang aking inay at siya ay nagtratrabaho sa health center ng aming siyudad. Ako ang inuutusan niya gumawa ng kanyang visual aids para sa mga baranggay na kanilang pinupuntahan. At kahit di ko pa lubos na naiintidihan lahat, sinusunod ko pa din ang utos ni inay. Mga ilang taon din na naging bespren ko ang manila paper at pentel pen, minsan cartolina. Kapalit ng kalyo at pawis ay dagdag sa baong pang-eskuwela. Pang-sopdrinks kumbaga.

Gaya ng sagot ko nung defense ng aking technical study, hindi rin sakop sa blog na ito ang mga gabay kung paano ito gamitin. Mahirap ng mapagkamalang pornograpiya ang Nalalabing Hibla. Pero kung di niyo talaga alam paano gamitin ito, mas maiging huwag na kayong gumamit. Yan ay isang payong kaibigan.

O siya, di ko na papahabain ito. Baka sisihin niyo pa ako sa konting oras na kinuha ko sa inyo sa araw ng mga puso. Nawa’y masaya kayo sa araw na ito.

Eto lang ang masasabi ko. Putukan na. Ng lobo.

Hanggang sa muling pagjajacklord.

totomai
02/14/11

Thursday, January 27, 2011

Itay

papa


Enero 27 na naman. Ibig sabihin nadagdagan na naman ang edad mo. Animnapu’t isa ka na pala, bata pa yan, huwag kang mag-alala. Mas makapal pa nga yata ang buhok mo kesa sa akin, kaso puti nga lang. Diyan naman ako lumamang sa iyo. Kung mga 1991 pa lang ngayon, niyaya na kitang uminom pero magdadalawang dekada na buhat ang huling pagdaloy ng alak sa iyong lalamunan. Maliban na lang kung umiinom ka pala ng palihim. Maya-maya lang babatiin ka na ng mga kaibigan mo diyan, at yayayain kang uminom. Sabihin mo tubig na lang para maiba naman. Huwag silang mag-alala kamo kasi meron naman pulutan at videoke. Puwede na yun.

Hindi ka na rin puwede pala mag softdrinks o magpagawa ng macaroni salad kay Inay kasi medyo mataas ang sugar level mo. Huwag matigas ang ulo at mahal ang gamot ngayon. Pero may discount ka na yata, kasi senior citizen ka na. Hehe. Okay din siguro paminsan-minsan kumain ng matatamis, huwag lang minu-minuto, ibang usapan na yan.

Hindi na rin pala kayo kumakain ng baboy ni Inay, sayang papalitson pa sana ako. Akala mo papalitson nga ako ano. Sabi mo nga kay Inay kumakailan, hanggang mayroon pang isdang nahuhuli at naihahain, solb na solb na kayo. Gusto ko tuloy kumain ng gulay. Hayaan niyo minsan, masasabi ko din, gulay pa lang solb na solb na din ako. Pero huwag lang muna sa ngayon. Kapag 60 na din ako siguro.

Minsan may mga pagtatalo at diskuyon tayo pero ganun talaga ang pamilya. Ang lungkot naman kung lagi na lang tayong nakatango sa lahat ng oras. Ang mahalaga andun pa rin ang respeto sa isa’t-isa. Lagi sinasabi ni Inay na nagtatampo ka daw kung di kita makausap sa telepono kapag tumatawag ako, pero kung ikaw makasagot eto ang linya mo, “Musta ‘To? Gusto mo makausap Mama mo?” Parang adik lang. Siyanga pala, sana ay magiging suwerte ka sa sabong ngayon taon para tuloy tuloy lang ang balato mo sa amin, pero huwag niyo naman ubusin ang manok ni Dorb. Nakakaumay kumain ng tinola lagi.

Madalang mo man to marinig pero maraming salamat sa lahat-lahat.

Buti na lang di ka marunong mag-internet at di mo to mababasa.

Maligayang Kaarawan Papa!

Palangga ka namon!

Ang iyong ama, este anak pala, totomai at dorb (sinama ko na din si dorb dito)

Bago ko makalimutan, harap ka naman sa camera sa sunod. Lagi na lang kunwaring candid mga litrato mo.

Hanggang sa muling pagjajacklord.

totomai
01/27/11