Tuesday, September 29, 2009

Ulam

Tandang-tanda ko pa nung maliit pa ako, napakanta ka ano. Naalala ko lang kasi nung bata pa ako, laging nag-iisip at nag-alala si Mama kung anong ulam ang ihahanda niya sa hapag kainan. Ayaw niya kasi kaming magsawa sa mga kinakain namin araw araw. Baboy, manok, baka, gulay, isda, sabaw, iba’t ibang putahe ng di maumay ang aming mga dila. Tinding hirap pala ng kanyang ginagawa para sa amin, siya na nag-iisip, siya pa nagluluto. At sana natuto din akong magluto para kahit papano di ako nahihirapan sa buhay dito sa Japan. Pilit naman akong tinuturuan ni Mama kaso di talaga ako mahilig magluto, at kung nahilig siguro ako, lalo akong lolobo.

Oo, di ako marunong magluto kaya wala akong baon. Ayaw ko naman magbaon ng spam kasi yun na ang kinakain ko tuwing Sabado at Linggo. Sinubukan ko na rin mag adobo pero parang walang lasa, di gaya sa Pinas. Di ko alam kung sa baboy nila talaga, kasi kahit suka at toyo na mula sa atin ganun pa din ang lasa. O di lang talaga ako marunong magluto.

Sinubukan ko na din mag tinola noon, basta may Knorr Cubes. Walang dahon, walang luya, walang sangkap, knorr cubes at manok lang. Tubig pa pala. Nauubos ko din naman kahit papano. Yun nga, dahil palpak din lagi luto ko, sa labas na lang ako kumakain. Simula noong Hulyo 2008, araw-araw ako kumakain sa Yoshinoya, tuwing tanghalian at kung kailangan mag overtime, tatawid lang ako sa kalsada at puwesto, busog na uli. Lagi kong kinakain sa Yoshinoya ay ang Syogayaki (wrong spelling wrong ba dito?) Dati pa akong adik sa buta-don, marahil sa katamaran ko kumakain na lang ako sa Matsuya. Isama na natin ang hilaw na itlog at ihalo sa kanin, walang katumbas na sarap at dighay ang inaabot ko. Suki ako ng Matsuya dati, mula noong 2003 pa nagbago lang lahat nung ako’y napadpad uli sa Japan. Nasa harap lang kasi ng opisina namin ang Yoshinoya. 

Pero, isa lang ang masasabi ko, Mas masarap pa rin ang Matsuya kesa sa Yoshinoya.

Pero napapansin ko na mukhang di na yata okay ang ginagawa ko a. Lagi na lang baboy at itlog araw araw (dalawang beses pa kada araw), mukhang tinatawag ko na si kamatayan nito. Parang kailan lang nagkaroon na ako ng phobia sa Yoshinoya. Ni ayaw ko ng tingnan ang kainang ito. Marahil siguro nagsawa na ako. Nung huling kain ko dito, di ko naubos ang ulam na dati’y parang dinaan ng kidlat ang plato. Parang ang lahat ay di nanatili na lang sa lalamunan ko, di ko na malunok. Kaya, paalam Yoshinoya, di na kita babalikan. Ngayon, lagi ako sa Thai resto, pero kahit araw araw, madaming pagkain naman ang pedeng kainin. Kaya di magsasawa ang aking dila at mga alaga sa tiyan. Mga isang buwan na at sana di ako maumay sa kakakain dito, aloi mak mak.

Tuwing gabi naman, nag-titinapay na lang ako at salad. Mukhang di nakakabusog pero kakayanin ko. Siguro ganun talaga pag naninibago ang katawan, pero sa kalaunan ako din ang magbebenispisyo o yung ospital. Bahala na kung ano ang mauuna.

Dahan-dahan muna ako sa pagkain ng baboy, at baka maging alamat akong bigla. At pero dahil sa uuwi ako sa sunod na linggo, at natatakam na ako sa adobo ni Mama, di muna ako magdadahan-dahan sa paglamon ng baboy.

adobo


Hanggang sa muling pagjajacklord

totomai
09/29/09

Wednesday, August 26, 2009

Potpot

Buhay OFW. Saglit lang, di pangmatagalan. Di permanente. Ang trabaho ay nakasalalay sa kontrata, na kahit anong oras ay puwedeng ipawalang-bisa kung kinakailangan. Kung tutuusin, akala ng lahat madali lang ang buhay sa ibang bansa. Na madaling kumita ng pera. Pero ang hindi nila naiintidihan ay ang hirap, emosyonal at minsan pisikal, na nararanasan ng isang OFW. Medyo malaki nga ang kita kumpara sa sahod mo sa Pilipinas pero hindi madali kitain ang salapi. Minsan, kailangan mong labanan ang lungkot para lang mapigilan mo ang sarili mo sa pagtalon mula sa bubong ng iyong apartment o magpasagasa sa tren. At buti na lang, may mga nakakasalamuha kang mga kapwa Pinoy na kahit papano, nakakatulong para maibsan ang kalungkutan na nararamdaman mo. Sila ang pangalawang pamilya mo dito.

Pero gaya ng sinabi ko, pati yung pagsasama-sama ninyo ay may hangganan. Ayos sa panimula e no, pero ang blog na ito ay alay sa isang kaibigan na uuwi na sa Pilipinas bukas.

Siya ay si Potpot. Pero sa internet, siya ay si engrpot / potsquared , isang blogger, at isang maniniyot. Una kaming nagkakilala nung Bayanihan Exhibit, nitong Marso lang pero parang ang tagal na naming magkakilala. Isa siya sa mga pinakamakulit na nakilala ko dito sa Japan, laging nagpapatawa pero nagbibigay din ng mga payo sa amin kung kailangan lalo na sa medyong seryosong mga bagay-bagay at usapin. Isa rin siyang dakilang ama, pasensya na sa mga humahanga sa kay Potpot, meron nag nag mamay-ari ng puso niya, si Kid, este asawa niya siyempre. Alam namin na malungkot siyang lisanin ang bansa ng mga sakang, pero mas alam namin na maligayang-maligaya siya sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas. Lalupa’t madadagdagan na naman ang kanyang tsikiting.

halong


Pot, sa iyong pag-uwi sa Pilipinas, lagi mong tandaan, andito lang kami, ikaw andun. Haha! Kita-kita sa October kung matutuloy ka sa Bacolod. At sa iyong mga plano, lagi mo lang isipin ang patalastas ng PLDT, kung saan ka Masaya, ti suportahan ta ka. MGF?

/totomai
08/26/09

Tuesday, August 18, 2009

Lipad

Buti na lang wala kaming lahing aswang. Kasi kung meron man, hindi ko lubos maisip kung kakayanin ko ba ang lumipad at dumapo sa mga bubong ng mga bibiktimahin tuwing kabilugan ng buwan.

Takot ako sa matataas na lugar, hindi ako mapakali lagi lalo na kung alam kung nasa himpapawid na ako. Oo, kasama na diyan ang pagsakay sa eroplano. Sabihin na natin na lagi akong nasa biyahe o lagi akong sumasakay sa eroplano, pero di pa din nawawala ang pagdagungdong ng aking puso tuwing nasa loob na ako nito. Lahat ng santo ay tinatawag ko para lang patulugin ako. Kadalasan, bago ng aking biyahe, sinisigurado kong di ako nakakatulog para madali akong ma-knock-out at tuloy-tuloy na sa coma agad. Gigising lang ako sa eroplano kapag oras na ng kainan. Tapos tulog uli.

At dahil sa gusto kong labanan ang aking kinakatakutan, sinubukan kong ang mga iba’t-ibang uri ng sports para lang mawala ang takot. Sa halagang 700 yen pinirmahan ko ang papel na nagsasaad na wala silang pakialam kung mamatay man ako sa pagtalon, bungee jump. Mahagip man ang leeg ko ng tali, okay lang daw, madyadyaryo naman ako. Habang umaakyat ako sa hagdan papunta sa platform kung saan ako tatalon, pakiramdam ko ang bigat ng aking mga paa. Unti-unti kong nararamdam ang pagdaloy ng pawis sa aking mga palad at pati na din sa aking singit. Lalong di nakatulong ang hangin sa taas. Pero ganunpaman, narating ko din ang dapat kong marating, o ang di dapat kong marating, ang platform. Tatalon kaya ako o hindi? Ang tanong naglalaban sa aking utak. Parang di ko yata kaya! Pero ng marinig ko ang tawanan ng mga tao sa ibaba, sa urong-sulong kong pagtangka, sabi ko sa sarili ko, aba din a baling kunin ako ni Lord, di ko lang madinig ang tawanan ng mga tao. At dahil sa hiya, napatalon ako, at ramdam ko ang pagtigil ng akin puso. Sa himpapawid naghahanap ako ang makapitan, pero wala, kahit isang anghel o demonyo, walang tumulong.

Naranasan ko din ipatali ang sarili ko sa speedboat. Parasailing naman kunwari, sabi nila takbo daw ako di pa nga ako nakatakbo lumarga na sila. Kaya sa halip na sa himpapawid ako mauuna, sa tubig bumagsak. Pero hihilain ka din naman nila uli, aahon ka sa tubig at dun na lilipad ka, may parachute naman e. Dahil sa basa na din ang aking katawan, di nila makikita kung umiihi man ako sa himpapawid o hindi. At nung bumalik na sa dapuan, kunwari nabitin ako, pero di nila alam natapos ko ang limang misteryo sa loob ng dalawang minuto.

taas

paa ko yan nung nagising ako sa langit
At di pa ako nakutento dahil sa buhay pa ako, sinubukan ko naman ang paragliding. Eto talaga wala ng ligtas kung mali ang bagsak namin. May kasama naman ako sa paglundag kasi wala pa akong lisensya. Pero bago ako tumalon, sinabi ko sa mga kasamahan ko na sabihin nila na mahal na mahal ko si mama. Eto na, sabi ng sensei, takbo na daw. Pakiramdam ko ako si Forrest Gump na inuutusan, Run, Tomai, Run. Paano ako makakatakbo kung ang nakikita ko sa dulo ay bangin na? At dahil sa walang atrasan at hinahabol namin ang hangin, tumakbo ako at nagpakamatay. Haha! Kala ko mamatay na ako, iiyak na sana ako sa kaba, kaso di pumatak ang luha. Sa sobrang lamig sa taas namuo lang to. Natulala ako. Kung di pa ako sinabihan ng sensei na pede na ako kumuha ng picture iisipin ko kaluluwa na lang ako. Oo, dinala ko ang camera ko, Nikon D80. Yan ang tatak ng isang adik. Naka-landing din kami ng maayos. Whew!

At dahil sa takot pa rin akong lumipad, inisip kong subukan naman sa susunod ang skydiving. Malay natin pagkatapos nito, di na ako matatakot sumakay sa eroplano.

Hanggang sa muling pagjajacklord.

08/18/09

Wednesday, July 29, 2009

Bilad

Naalala ko lang, na tuwing bakasyon, pumupunta kaming magpipinsan sa Iloilo sa bahay ni Lola. Dahil sa medyo malaki ito, at kasya kaming kupkuping lahat. Sa gabi, dahil sa kalumuan nito, para na din siyang haunted house. Pero doon kami namamalagi kasi sa tawid ng kalsada ay dagat na. Buong araw kaming naliligo hanggang isang beses di na kami pinakain ng tanghalian ng aming lola kasi wala naman daw kaming balak umahon. At syempre ang blog na ito ay hindi tungkol sa bakasyon namin kay lola. Panimula lang to.

Umpisa na ng tag-init dito sa Japan. At para salabungin ang pagdating niya, nagplano ang mga adik na pumunta sa paraiso ng Izu isang Sabado ng Hulyo. At dahil sa takot na baka mawala ang sinasabing paraiso, Biyernes pa lang ng gabi pumunta na kami sa bahay ng isa naming kaibigan, si Potpot. Hatinggabi na yata kami nagkita-kita, daig pa namin ang aswang assembly, ang kaibahan lang, di kami lumipad kungdi naglakad kami mula istayon hanggang bahay niya na parang mga kargador sa pier. Walking distance, parang Manila papuntang Bulacan lang. Pagdating namin ng bahay, akala namin nasa loob kami ng ref. Ang lamig kung kaya natulog kami agad ni Kid at yung iba, sina Rance, Kraven at Potpot ay nag-inuman pa, mga sunog-baga.

Alas 5 na nang kaming lahat ay nagising, nagmamadaling maligo para mahabol ang unang tren papuntang kung saan man yun. At kapag sinsuwerte ka naman, unang biyahe, di ka makapasok sa dami ng estudyanteng sumakay. Nakatayo na naman kami, habang bitbit ang mga bagahe. Kargador pa rin kami sa mga oras na yun. Sarap ng pwesto nina Meema, Ramil at M. Galing kasi sila sa kabilang ibayo. Lumipat kami ng tren para makitagpo kay Aleng na galing ng ibang bundok. Sa loob ng tren ipinamahagi ni Potpot ang kanyang kinamay na onigiri. Sobrang sarap lalo na pag walang laman ang tiyan mo. Paano niya ginawa? Tingnan niyo to.

Fast-forward na baka masabihan na naman akong nobela tong blog na to. (TOO LATE daw sabi ni Meema) Sa wakas, nakarating na kami sa istasyon. Sumakay kami ng bus at bumaba nang marinig ko na naman ang walking distance na yan. Kinabahan na ako. At tama nga ang sabi ng crystal ball. Parang Bulacan papuntang Olongapo naman. Lakad lang nang lakad hanggang sa nakikita na namin ang dagat. Buti na lang paakyat na kami nung dumating ang kasama naming nakakotse, sina Katek, Chai, Winnie, Poleng at Chu. Para di nila alam ang hirap na dinanas namin. Pumuwesto na kami agad sa buhangin at natulog. Yun naman talaga ang sadya namin, ang matulog. Syemprrre nagsilabasan na agad ang special offer; sandwich, fried chicken at kung anu-ano pa. At ang mga adik na maniniyot, walang humpay sa pagkuha ng mga litrato at pag-delete.

Matagal na kaming tinatawag ng dagat bago pa namin siya pinagbigyan. Para naman may metaphor din dito. Makulimlim ang panahon at ang tubig dagat ay parang galing sa freezer. Biglang umurong ang mga hindi dapat umurong. Kasi wala naman iuurong pa. Kakaaliw tignan ang mga hapon na nag-susurf at nagtiyatiyaga sa mgaalon na maliliit at pasulpot sulpot. Mga ilang oras din kami sa tubig hanggang sa ginutom na. Inubos ang lahat na andun at natulog ulit. Natrapik sina Ate Mai at nag-aalala siya kung nakakain na ba kami. Ang swit. Habang hinihintay sina Ate, abala naman si Meema sa pagpaliwanag kung ano ang gagawin para sa photowalk event. At nang umpisahan na ang lakad ng mga maniniyot na to, dumating sina Ate Mai. Salamat at magkakaroon kami ng lakas sa pagkuhakuha ng mga larawan.

Dalawang oras din na walang humpay na kuhaan ng litrato para lang makasumi teng dalawa na kailangan ni Meema. Kung sino mananalo diyan, pa-matsuya naman kayo. (May nanalo na ba?) Pero mukhang sa jumpshot naubos ang mga lakas namin. Ilang beses inulit-ulit yun. Gabi na at walang bituin nung sinundo na kami ni Tatang. Dugo ang ilong kapag kausap si tatang, di man lang makapag-english. Dinaan muna kami sa isang mall para bumili ng pagkain at inumin.

Dumating kami sa bahay ni Tatang. Aba, maniniyot din pala siya. Ang ganda ng mga kuha, nakasabit lang sa dingding ang mga kuha niya at isa-isa kaming namangha. Naisip ko tuloy na buksan ko na kaya at ilabas mula sa kahon ang aking printer? Kunwari ipriprint ko din ang mga pics ko. Pero naisip ko rin na ibenta ko na lang kaya ang printer.Hehe.

Paglapag ng mga gamit at katawan sa tatami, isa-isa nang binuksan ang mga pagkain. Sama- sama kaming lahat kumain, akala mo ay last supper na. Napaaga ang Semana Santa. Masaya, kulitan pa din. Yung iba naligo na, yung iba naglaro ng uno, yung iba nakipagwentuhan at yung iba naman ay naningil ng ambagan. At dahil sa may katapusan naman ang bawat araw, pinatay na ang mga ilaw at nangibabaw ang mga hilik na parang lumulubog na Titanic.

Malamang yung mga napanaginipan namin ay ang mga nangyari din nung araw na yun. Gusto niyong mapanood? Ayan, pindutin nyo lang.





Hanggang sa muling pagjajacklord.


07/29/09

PS

Salamat kay Meema sa pag-edit ng tagalog ko :-)

Thursday, July 23, 2009

Kubeta

19

Lahat tayo ay may anking superpowers. Oo, lahat tayo, ibig sabihin kasama na ikaw at ako. Pasulpot-sulpot ‘tong mala-Flash at mala-Superman nating katangian. Minsa’y mala-Werewolf at mala-Invisible Man pa. Wala tayong kalaban-laban pag tinatawag na tayo ng ating pinuno --- ang pinunong kubeta.

Madaling masira ang tiyan ko kaya maingat ako sa pagkaing kinakain ko. Nung nag-aaral pa lang ako, umaabot ng dalawang pahina ang aking health record card sa eskuwelahan kada taon at laging stomach ache ang sanhi. At di pa nagtapos dun. Bawat taon ay naoospital ako dahil sa matinding pagdudumi. Minsan, sa takot at sawa na sa ospital, sinasarili ko na lang ang nararamdaman ko hanggang sa hinimatay ako ng isang beses sa sobrang pagbabawas.

Madaming beses na akong nag-ala Superman lalo na sa mga biglaang pagkaramdam ng sakit ng tiyan. Naalala ko pa nung nagbabayad ako ng bill ng telepono. Mga 30 minutos na pila ko nung biglang sumakit ang tiyan ko. Ang laki ng pawis. Lumabas ako ng PLDT, nagpara ng taxi at nagdasal sa abutin pa ng bahay. Biglang bukas ang apat na pinto halos sabay sabay sa pagmamadali kong makareport sa pinuno. Kakaibang ginhawa kaagad.

Sa Pinas, suki ako ng Shangrila Edsa. Sa layo ba naman ng Antipolo at matrapik pa, minsan sa labas na ako kumakain. Sa halagang 10 pesos, meron ng tissue at malinis pa ang banyo. Sigurado ka pang ma flush ang kubeta pagkatapos gamitin. Hirap sa Pinas maalangan. Alam niyo na siguro ang ibig kong sabihin. Kaya nagulat din ako nung tumigil ako ng isang taon sa Thailand , kadalasan ng kanilang kubeta ay may water spray at kung wala man ,may tissue. Pero iba pa din ang kubeta ng Japan . Pati na din sa Korea.

Sabi nga ni Roger Federer (di ko na matandaan kung san ko nabasa), para daw siyang nasa spaceship pag nakaupo sa kubeta ng Japan . Sa dami ba naman ng pipindutin kulang na lang ang salitang Ready for Take Off at ikaw ay nasa kalawakan na. Pero syempre dapat alam mo din ang mga pinipindot mo, kung di mo mabasa ang Nihonggo, at lala na kung walang larawan, pakiramdamanan na lang. Ayos din minsan yung may blower na nakasama, hinihipan na ang puwet mo pagkatapos. Baka sa sunod may polbo na rin.

Pero di naman lahat ng kubeta dito ay malinis na malinis. Alam ko yun kasi sa haba ng biyahe ko araw araw, may mga pagkakataong kailangan kung magreport kay pinuno. Kaya alam ko na ang mga maganda at medyo ok na kubeta kada istasyon. Pero kahit medyo madumi sigurado pa ring may tissue paper sa loob. At kadalasan, lalo na sa umaga, box-office hit lagi ang pila. Nakikipila din ako paminsan-minsan. Pero mabibilis lang gumamit ang mga hapon, wala pang 2 minuto tapos na. Ito lang yata ang nakuha kong ugali sa kanila. Haha! Pero kahit saan ka mang bansa, isa lang ang natutunan ko sa paggamit ng kubetang pampubliko.

Huwag buksan ang kubetang nakatakip, baka may laman kang masisilip

Hanggang sa muling pagjajacklord.

07/24/09

Tuesday, July 14, 2009

Tulog

Toto-log ka na naman. Yan ang madalas ihirit ng aking inay at mga kaibigan. Huwag daw akong tulog ng tulog at baka di na ako magising. Aba’y walang pakialamanan.

Nung nag-aaral pa ako, sigaw ni Mama ang aking alarm clock. Walang binatbat ang mga alarm clock sa kanya. Pero dahil alam niya naman na puyat ako sa pag-aaral kunwari, may halong lambing ang kanyang pagsigaw sabay tanong kung ano ang gusto kong almusal. At siyempre dahil sa likas na tamad na talaga ako simula ng pinanganak, breakfast-in-bed lagi yun. Isang tinapay lang naman. Kung hindi Spanish roll, pan de coco ang madalas kung ialmusal. Dahil sa kasarapan ng tulog, akala ko minsan na nakakain ko ang tinapay, nalalaman ko na lang na hindi pala kapag nilalanggam na ang ilalim ng kama. Kayang-kaya ko pagpalit ang kain sa tulog kaya’t kasing payat ko si Rene Requestas habang nag-aaral. Narasanan ko na ding batuhin ng chalk ng aking guro kasi natutulog ako sa klase niya.

dreams

Nung lumuwas ako ng Manila para kumuha ng board exams at maghanap ng trabaho, bumili na ako ng sariling alarm clock (wala pa akong cellphone nun). Alam kung walang gigising sa akin kahit kasama ko pa ang mga kaklase ko. Di naman kaila sa atin na sikat ang Manila kung walang tubig ang pag-usapan. Isang beses, binuksan namin ang gripo sa banyo para kung sakaling magkaroon ng tubig para may reserba na kami kung sakaling mawalan na naman kami ng tubig. Kadalasan sa sala kami natutulog kasi mas malamig kahit na parang nasa evacuation center kami. Akala ko ay nanaginip lang ako na lumalangoy ng madinig ko ang tawanan ng aking mga kasamahan. Umapaw na pala ang tubig mula sa banyo at umabot sa sala. Bigla kaming nag general cleaning at kahit wala pa sa ulirat nagmamadaling ayusin ang unit namin.

Mas tumindi ang katawakan ko sa pagtulog ng nagtrabaho na ako sa Japan. Nakakatulog na ako kahit nakatayo sa tren. Di ko alam kung sadyang kulang ako sa tulog o dahil sa bumabata lang ako. Kumakailan lang ay di ko na nararamdaman ang salitang sigaw ng tatlo kung alarm clock kung kaya’t naisipan kong bumili ng panibagong alarm clock. Malaki, nakakabingi at may parang disco lights pa. Isip isip ko semento na lang ang di makakadinig dito. Aba, nasobrahan yata sa pagiging epektibo, nauuna pa akong gumising bago siya tumunog. Marahil dala ito sa hiya, hiya na madinig ng kapitbahay ang nakakaistorbong tunog at bigla akong ireklamo sa opisina namin. Mahirap ng madagdagan pa ng isang memo.

Ganunpaman, masarap pa din matulog. Pero sana nama’y huwag ang tulog na walang katapusan.

O siya, sayang ang oras, toto-log na ako uli.

Hanggang sa muling pagjajacklord.

07/14/09

Thursday, July 2, 2009

Lasing

Hindi naman talaga ako lasenggero e. Umiinom lang paminsan-minsan. Minsan nalalasing, minsan nama'y lalong nalalasing. Pero ngayon mukhang mabilis akong tamaan ng alak. Gaya nung Biyernes, nagyaya ang amo namin ng inuman, sino ba naman ako para tumanggi lalo na’t libre? Walang pakundangan na inom ang gawa ko, aba mga dalawang buwan din ako di nakainom. Gulat ang iba kong mga kasama, bakit daw ako nagpapakalasing. Sabi ko di naman, libre lang kasi. Sayang at dalawang oras lang nila pina-reserba ang lugar kaya napilitan kaming umuwi. Sakit sa ulo nung pagkagising, mas lalong sumakit nung buksan ko ang ref at ang laman lang ay nag-iisang mineral water.

Sa maniwala’t kayo o hindi, dito lang ako sa Japan uminom ng labis. Sa Pinas (lalo na pag nasa Bacolod ako), hanggang Coke lang ako. Naks, parang anghel. Anghel ng Demonyo. Nung una kong punta sa Japan nung 2003, ako lang ang Proces Engineer na nasa Japan. At dahil bago din ako sa kompanya namin, wala pa akong masyadong kilala. Sa isang bahay, apat kami at sila'y magkaka-department. At dahil sa yung apartment namin ang pinakamalaki, siyempre doon ang inuman. Wala pa akong isang linggo, at ayun may party na agad. Kaya di ko makakalimutan ang VO na yan. Anim kami noon, at dalawang VO ang tinira namin. Nung una pangiti ngiti lang daw ako tapos sa kalaunan, tumatawag na daw ako ng uwak. Nasa kuwarto na ako nun, at dahil medyo sana’y na ang iba sa inuman, yung isa kong kasama inalayan ako. Kumuha siya ng supot para doon daw ako sumuka. Kinaumagahan, kantiyaw ang inabot ko. Nakapuno daw ako ng supot. Dalawang supot at ang laki ng babayaran ko daw sa kanya, puno daw ng talsik ng suka ang braso niya.

Dahil sa kalasingan, nasubukan ko na ding matulog sa daan dito sa Japan. Walang binatbat ang aircon. Di naman ako matutulog sana dun e. Sinamahan ko lang yung kasama ko na parang hiblang naputol at natumba at di ko na maibangon. Buti na lang at walang pulis na dumaan. Salamat at di uso dito ang namamantala ng mga lasing. Kung nagkataon, dyaryo na ang nakatakip sa amin. Sarap pala gumising mula sa semento, akala mo pangalawang buhay mo na. Pag dilat ng mata, may mga nag bibisekleta na at nag-o-ohayou gozaimasu pa ang iba. Wala nga lang pandesal at taho.

Pero mas lalong naging adik ako uminom sa Thailand. Mura kasi ang beer at mas makulit ang mga kasama kong pinoy. Anim lang kasi sa kompanya at nasa iisang hotel lang kami nakatira. Tuwing Biyernes, pagkatapos ng opisina, nasanay na kami uminom habang naglalaro ng bowling. Tuwang tuwa naman yung mga tao dun pag andun kami, kasi kami lang ang maingay at siyempre di nila kami maintindihan. At hindi rin namin sila naiintidihan. Sabi nga nila, walang pakialamanan.

At ang isa kong loko-lokong kaibigan, nakunan pala ako ng video habang naglalaro. Pero okay lang, strike naman kahit papano. Kinopya ko lang to sa kanya, na post niya na sa youtube bago ako sinabihan. Sarap malasing at magjacklord sa sahig gaya nung nasa bidyo sa ibaba.



Uploaded by aidash87

Tapos after bowling, derecho kami sa hotel, babad ng konti dun sa pool, pantanggal ng amats. Pagkatapos, papatuyo lang sa hangin at punta na sa cafeteria ng hotel para sa ikalawang yugto ng inuman. Meron kasi dun karaoke e, kami na ang pinapagamit lalo na pag walang customer. Minsan, bumibili na kami ng beer sa labas kasi mahal sa loob e, kaya order lang namin ay yelo. Libre na kanta at sayaw, yung lang naman ang importante e.

Kelan kaya ako makakasayaw nito uli. Kuha ng isa ding adik ko na kaibigan. Yung steps na yan ay kuha ko sa napuntahan namin sa Bangkok. Alam nyo na siguro kung ano yun.



Uploaded by davebone


Masarap uminom. Lalo na paglibre. Pero dapat alam mo lang pano kontrolin ang sarili mo at mag-ingat na sa mga kasamang may dalang camera. At syempre mag-ingat pag-uwi kung di ka sa bahay niyo uminom. Baka maya-maya pala, isa ka ng alamat!

Hanggang sa muling pag-jajacklord!

07/02/09

Wednesday, June 24, 2009

Payong

Minsan, may mga pagkakataong nangyayari na hindi mo inaasahan. Minsan, ang mga pangyayaring gaya nito ay nagpapaalala na ika’y isang normal na tao.

Sa halos dalawang linggo kong walang katapusang kayod sa isla ng Yeosu sa South Korea, pakiramdam ko, manhid na ang buo kong katawan. Gising ka ng umaga, uwi ka ng hatinggabi. Sa mga oras na iyon, mata ko lang ang walang pawis. Pero minsan, may luha din pala. Labingdalawang araw na ganyan ang buhay ko, huwag na nating banggitin ang mga pagkain na kinakain ko dahil mas lalong sasama ang loob ko. Lunok at lamon na lang at sabay tulak ng aloe vera juice. Mga kakaibang pagkain na doon ko lang naranasan sa Korea. Pero kahit ganoon, madami akong natutunan, lalo na kung paano tumakbo mula sa loob ng vessel papunta kubeta nang mabilisan nang di nadudulas. Minahal ko rin ang aking hard hat na siyang taga-kubli ng mala-basang-sisiw na buhok ko. Buti na lang bawal ang camera sa planta dahil kung hindi, may ebidensiya. Kapag umaga naman, may exercise iyong ibang engineers at operators, parang mga characters ng mask rider black. Sabay sabay na sumasayaw nang 15 minutes, buti na lang hindi Nobody ang tugtog.

At dahil sa akala ng isa kong boss na ako ay robot at hindi napapagod, pilit akong pinasama sa isang meeting sa Seoul. At dahil hindi ko naman inisip na may ganitong meeting, wala akong dalang business suit. At dahil kailangan daw ako doon, naka utility pants ako, safety shoes at long sleeves na pumunta dun. Ayos sa japorms. Mukhang adik. At amoy gasolina pa. Sinabihan pa ako ng amo ko na dapat daw meron akong dalang damit in case. Para daw laging handa. Sabi ko naman, sa dami ba naman ng pinadala ninyong give-away ay maisip ko pa ba magdala ng business suit? Daig ko pa ang nagbebenta ng Electrolux sa laki ng bag ko. Pero next time daw magdala na din ako.

Fast forward natin ng kaunti. Huling gabi na namin sa Seoul. Isip ko hindi na siguro trabaho ang pag uusapan namin. Kasi kung trabaho pa din, wala akong magagawa kundi makinig na lang. Ayon nagyaya ang amo kong maghapunan, sa wakas at libre ito. Apat kami (isang Koreano ang sumama sa amin, agent namin dun) at dinala kami sa isang restoran kung saan ikaw ay magsasawa sa dahon na kanilang hinahain. Unlimited ang dahon at sili. Kaya kain lang ng kain. Lunok ng lunok lang pala. At kung saan na napadpad ang ang aming kwentuhan. Parang kasama ko ang 3 kong tatay, hehe generation gap kamo. Ako lang nasa 30’s sila nasa 50’s na. Pero nakikinig naman ako sa kanila. Words of wisdom kumbaga.

At dahil sa hindi ako masyado makarelate sa kanilang kwentuhan, kwentuhan tungkol sa mga panahong hindi pa yata nagkakilala sina mama at papa, umiikot ang mata ko sa loob ng restoran. Aba, meron doon isang magandang binibini na nag iisa lang sa kaniyang mesa. Kumakain din sya ng dahon, sarap na sarap pa nga e. Mukhang matagal akong nakatitig sa kanya at nadinig ko na lang na nagtatawan na ang mga tatlo kong lolo. At humirit pa ang Koreano kung gusto ko daw ba makilala. Sumali naman sa kantyaw ang dalawa hapon. Ang tatanda na nila para manukso, parang hindi bagay. Pero tatanggi ba ako sa grasya. Malay ko kung magustuhan niya ang abstranct na mukha. Nagbabakasali lang. Lumapit na ang Koreano sa koreana at nagsalita sila ng Korean. At ngumiti si binibini, hay ngiting nakakapagpangiti ng puso. Sumenyas ang koreano na lumapit ako. Lumapit naman ako. Tawagin ba akong uto-utomai kung di ako sumusunod agad. Pinakilala kami. Hindi masyadong magaling mag English pero marunong maghapon. Blema to sa isip isip ko. Tapos na din kumain si Yung Jin (o Jin Yung) hirap ng pangalan e, pwede baliktarin hehe. Tapos na din kami. Mag aalas diyes na yun e. Humirit ang bossing ko na uwi na daw sila sa hotel, bahala na daw ako kung saan kami punta ni labs, este ni Yung Jin. Una ko naisip simbahan, kaso gabi na sarado na lahat. Pangalawa, sementeryo pero baka matakot. Sabi ko na lang, tara kape tayo. Ang layo ng kapehan, mga dalawang hakbang lang mula sa kinain namin.

Pumunta kami sa kapehan, tiningnan kami ng waitress. Akala nya siguro bakit may kasamang driver ang customer nila. Naka shorts si Yung, yung damit parang Mexican, hindi ko alam ang term at nakalugay ang buhok Ako naman, naka pangkargador na japorms. Ang haba ng buhok niya, lampas ng bra line nya siguro. Maliit lang sya mga 5’3-5’4. Nung naka pwesto na kami, usap usap kami. Minsan English, minsan nihonngo. Kunwari marunong ako mag nihonggo. Tanong tanong, sagot sagot. Kwento kwento. Naubos ko na yata ang 50 nihonggo words na alam ko pero sige lang ako ng sige. Minsan, natatameme ako sa katitig sa kanya, lalo na nung tinali nya ang buhok nya sa harap ko. hay. Ang mainit na kape biglang nagging iced coffee. Pasado sya sa major requirement ko. Lakas ng pintig ng puso ko. Pero hanggang tingin lang ako. Minsan nahuhuli nya ako na nakangiti na lang, at bigla syang hihirit ng ‘why’. Ang pagbigkas nya ang parang may halong lambing at tunog ilonggo na lalong nagparamdam sa akin na tao pa ako. Tao pa! Kung ano ano ang mga napag-usapan namin, halu-halo na, at di na namin namalayan na mag hahatinggabi na pala. Uuwi na daw sya, naisip ko tuloy baka siya si Cinderella. Parang ayaw ko pa syang pauwiin, ngiti lang ang naisagot ko. At nadinig ko na naman ang salitang WHY. Inalalayan ko siya na lumabas at ako'y nanginginig. Ramdam nya siguro ang nginig at kaba ko at bigla na namang nagtanong ng WHY. Nahulog na talaga puso ko, pinulot ko muna sa sahig at nagiging paborito ko na ang salitang yun.

kasa

Lumabas kami sa kapehan na medyo mabigat ang loob ng langit. Umiyak din to ng malaman ang nagbabadya naming paghihiwalay. Kung pede ko nga lang siyang kidnapin nung gabing yun pero di maari. Sabi ko ang lakas ng ulan, maya na lang kami uwi, sabi nya di daw pede kelangan niya umuwi. Di ko naman kinulit baka magalit. Sabi ko na lang, salamat at naging makabuluhan ang punta ko sa Korea. Arigatou daw. Nanloko pa si Nene. Kinilig naman si Toto. Sabi ko sure na ba talaga siya na uuwi. Oo daw. Hingi ko email ad niya, binigay naman, pero di daw sya nagbubukas ng email. Sabi ko sige, sa muling pagkikita. Tumawag sya ng taxi, mga 5 mins pa daw dating, sabi niya pano daw ako uwi, sabi ko lalakarin ko na lang pabalik sa hotel. Sabi niya lakas ng ulan, sabi ko mabilis naman ako tumakbo kahit naka safety shoes. Napatawa siya. May kinuha siya sa kanyang bag at binigay sa akin ang kanyang payong. Sabi ko walang problema. Sabi niya ‘bring to japan’. Tumigil ang tibok ng puso ko at nakaplaster na sa mukha ko ang ngiti. Di ko alam kung panaginip to o bangungot na.

Nadistorbo lang ako nang pumara na ang taxi sa may pintuan. Wala na. Ending na agad. Nagpaalaman kami nang maayos. At nang hinatid ko siya sa taxi, napayakap ako sa kanya. Friendly hug lang uy. Sabi ko salamat talaga sa kakaibang karanasan. Nawala ang pagod ko. Daig pa ang thai massage. Sabi salamat din daw at pasensya sa English niya. Sabi ko walang blema, sa sunod nating pagkikita, Korean na salita ko. Hehe. Bago sya pumasok sa taxi, nag-iwan siya ng isang sobrang cute na smack sa aking amoy kape na labi. Ang bilis lang, mabilis pa sa kisap mata at nasa loob na siya agad ng taxi.

Habang nawawala ang taxi sa ulan, ako’y bumalik sa hotel. Di na ako tumakbo, naglalakad lang ako at hawak hawak ang payong na kanyang binigay. Parang kasama ko din sya. Ang bilis ng oras sabi ko sa sarili ko at parang nasa koreanovela lang ako. Doon ko napagtanto na pwede pa pala kiligin ang isang trenta anyos.

Umakyat ako sa hotel, nag email at nag plurk sa mga kaibigan. (Yung last part ng kwento di ko binanggit dati kasi nahihiya ako).

Sabi nya pala alam ko naman daw kung san siya makikita sa Korea. Ginawa pa akong manghuhula. Sabi ko naman sana andun ka pag andun ako sa lugar na yun. Ginawa ko rin siyang manghuhula.

May mga kwentong dapat subaybayan. Pero may mga kwento din na di mo alam, wakas na pala.

Hanggang sa muling pagjajacklord!

06/24/09

Sunday, June 21, 2009

Hibla

Sa tuwing haharap ako sa salamin, napapansin ko na medyo numinipis na ang aking buhok. Pero sa maniwala kayo o hindi, sadyang manipis na ang buhok ko buhat ng pinanganak ako. Natatakot ba akong makalbo? Medyo, kasi bawas pogi points yun e. Lalo na kung di ka pa pogi. Wala ng natira sa yo. May utang ka pa. Dati rati pag tinatanong sa akin yan, laging kong sagot, di ako natatakot makalbo kasi ganun na talaga buhok ko. Ngunit ngayon, parang pakonti ng pakonti na lang ang nasusuklay ko. Madami ng bakante. Aba, aba, di dapat mangyari yun. Sabagay, mawawala na din ako sa kalendaryo siguro tatanggapin ko na lang na nauubos na ang aking buhok. Nalalagas, paisa-isa, pasampu-sampu. Depende sa kondisyon.

Teka, paano ko bang naisipan gumawa pa ng isang blog e sa hirap na hirap na akong ipagpatuloy ang aking Distilling Thoughts? Sabagay, sa isip ko, okay na din to kasi nauubusan na din ako ng English kaya mainam na itagalog ko na lang ang mga ibang nangyayari sa akin dito sa mundo. Parang di ako nahihirapan mag-tagalog kunwari, ilonggo kasi ako e. At ibabahagi sa mga mambabasa gaya niyo. Kung walang nagbabasa, ipapabasa ko na lang to sa mga anak ko at apo balang araw.

Hibla. Nalalabing Hibla. Bakit yan ang naging titulo ng blog na to? Dalawang araw din ako nag-isip, humingi ng suhestiyon sa mga kaibigan ko kung ano ang bagay na pamagat sa munting pahina kong ito. Gusto ko kasi mas lalong personal ang dating ng blog na to, kaya napunta sa buhok ko ang usapan at sa katapusan naging pamagat nito.

At bago pa mahuli ang lahat at tuluyang maging bakante ang aking ulo, samahan niyo ako sa aking paglalakbay at pakikibaka habang unti-unti nalalagas ang aking mga hibla sa bawat oras na dumadaan. Sari-saring kuwento ang ibabahagi ko, masaya, malungkot, kakakilig, kakatakot, basta may maisulat lang.

Isang hibla ang naliligtas, sa bawat isang kuwentong nailalabas.

blog header

Pinapangako ko na hinding hindi ako titigil sa pagsulat at pagbahagi ng mga nangyayari sa akin hanggang may hiblang nalalabi. Kahit ito'y nag-iisa na lamang. Sa lahat ng mga ka-hibla ko, sana'y maisama niyo bagong pahinang ito sa inyong mga binisita at kinaaliwang babasahin sa araw-araw. Pangako, pipilitin kong may kuwenta ang isusulat ko at para mapakanta kayo ng sarap ulitin.

Siyanga pala, bago ko pala tapusin ang blog na to, babatiin ko muna ang lahat ng mga tatay ng maligayang araw ng mga tatay. Sagwa naman kung babatiin ko ang mga tatay ng maligayang araw ng mga nanay.

Hanggang sa muling pagjajacklord.

06/21/09